Itinuturong Maute bomber, arestado sa Cagayan De Oro

Isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ng intelligence division ng Camp Alagar na nakabase ang headquarters ng PNP Region-10 na pinamumunuan ni General Javier ang isa sa dalawang suspected Maute bomb experts na unang binantayan dahil sa hinalang nakapasok sa Cagayan de Oro City noong nakaraang linggo.

Iniulat ni PNP regional spokesperson Supt. Lemuel Gonda, inaresto si Mohammed Maute alyas Abu Jadid dakong alas-6:30 nitong umaga batay sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Martial Law administrator at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Nahuli ang suspek sa inuupahan na kuwarto nito sa Sta. Cruz, Barangay Macasandig sa lungsod sa operasyon ng AFP-PNP Joint Task Force.

Si Maute ay kasama ng isa pang Mohammad Reza Kiram alyas Abdulrahman na umano’y inatasan na maglunsad ng bombing activities habang abala ang government forces sa pagtugis sa mga teroristang Maute sa Marawi City, Lanao del Sur.

Nasa ilalim ngayon ng Martial Law ang buong Mindanao dahil sa pag-atake ng mga terorista sa Marawi City kung saan daan-daang buhay na ang kumpirmadong nasawi simula noong Mayo 23, 2017.
Loading...

No comments:

Powered by Blogger.