Emosyon, luha; bumuhos sa Independence day rites sa Marawi

Naging madamdamin ang isinagawang flag raising ceremony ng mga opisyal at ilang mamamayan ng Marawi City na ginanap sa kapitolyo bilang pagdiriwang ng ika-119th  Independence Day.

Hindi mapigilan ng mga opisyal na mapaluha dahil habang itinaas ang bandila ng Pilipinas at inaawit ang ”Lupang Hinirang” ay isinabay naman ang pagpapakawala ng maraming bomba ng tropa ng pamahalaan sa lugar na pinaniniwalaang meron pang Maute terror group.


Ayon kay Lanao del Sur Vice Governor Mamintal Adiong, Jr., maliban sa pag-alaala sa araw ng kalayaan, ipinagdiriwang din nila ang Ramadan upang ipakita sana sa lahat na nagkakaisa ang mga Muslim.

Nakasanayan na rin nila na sa bawat pagdaraos ng Ramadan, kasama nila ang kanilang pamilya habang kumakain sa kanilang bahay.

Ito ay dahil sa nagpapatuloy pa ring bakbakan sa lugar sa pagitan ng tropa ng gobyerno at teroristang grupong Maute.


Masakit din para sa kanilang mga Maranao ang pag-aagawan ng mga bagay na pag-aari nila kung kaya’t tiniyak nito sa kanilang mamamayan na handa siyang mamatay huwag lang magtagumpay ang mga teroristang Maute na sakupin ang buong Marawi City.

Ipinangako naman ng bise gobernador sa kaniyang mga kababayan na huwag mag-alala dahil malapit na silang makauwi sa kani-kanilang mga  bahay lalo na’t malapit nang maubos ng militar ang mga teroristang Maute na kumubkob sa ilang bahagi ng kanilang lugar.


“Nagdiriwang kami sana para sa Ramadan na ito, na nagkakaisa ang buong Muslim. Napakalungkot isispin na wala kami sa mga bahay namin.  Hindi namin kasama ang mga pamilya namin. Napakasarap sana ‘yong kinakain namin.  Ngayon nakikita niyo ngayon sa hirap at ginahawa… Yon, yon ang nakakasakit sa akin,” ani Adiong, Jr.  “Hindi natin papayagan ‘yan, Muslim man ‘yan o Kristiyano na aagaw ng mga lupain ng Maranaw, ipaglalaban po natin ‘yan ng hanggang kamatayan. Doon sa mga Maranao na napadpad saan mang lupalop ng bansa ibabalik po natin sa inyo ang Marawi City.”

No comments:

Powered by Blogger.