Walang malalang sakit ang Pangulong Duterte
Kanselado lahat ang nakakatakdang mga lakad na dadaluhan ng Pangulong Duterte ngayong araw.
Di makakapunta ang Pangulo sa dadaluhan sana niyang anibersaryo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City.
Batay sa abiso ng Malacañang, uuwi ngayong araw sa Davao City si Pangulong Duterte at walang naibigay na paliwanag sa hindi pagdalo sa nakatakdang public engagement.
Magugunitang unang kinansela ni Pangulong Duterte ang kanyang pangunguna sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan noong Lunes sa Maynila dahil napagod at napuyat daw sa magdamag na pag-asikaso sa mga nasawing sundalo sa Marawi City na dinala sa Villamor Airbase.
Kahapon, wala ring official schedule ang Pangulong Duterte at ipinaliwanag ng Malacañang na nagpapahinga pa ang chief executive sang-ayon sa payo ng kanyang doktor.
Magugunitang marami ang nababahalang nagkasakit ang pangulo lalo pa’t una ng inamin nito sa publiko ang ilang karamdaman gaya ng migraine at Buerger’s disease, isang hindi pangkaraniwang sakit na nakukuha sa paninigarilyo kung saan namamaga ang mga blood vessels o ugat na maaring sanhi ng pagbabara sa daloy ng dugo.
Kapag lumala, posibleng mauwi ito sa impeksyon at gangrene o pagkasira ng mga skin tissues dahil sa kakulangan sa supply ng dugong dumadaloy.
Maliban dito, iniinda rin ni Pangulong Duterte ang problema sa kanyang spine o gulugod na nakuha niya nang mahulog ito sa semento habang siya ay natutulog.
Nilinaw naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na walang malubhang sakit na iniinda ni Pangulong Duterte kundi napagod lang daw talaga sa mga naunang aktibidad.
Loading...
No comments: